Aksidente ng Dalawang Motorsiklo, Isa-Patay!

Gamu, Isabela – Binawian ng buhay ang isang drayber ng motorsiklo matapos na aksidenteng mabangga ng sumusunod na motor sa kahabaan ng Upi, Gamu, Isabela.

Kinilala ang nasawi at drayber ng Honda TMX 125 na si Joel Pili Dela Cruz na nakatira sa Purok 2 Cabaruan, Naguilian, Isabela habang ang sugatan na drayber ng Rusi 125 ay si Arsenio Bilog, 58 taong gulang at residente ng Gamu, Isabela.

Sa imbestigasyong isinagawa ng PNP Gamu, habang bumabaybay ang dalawang motorsiklo sa kahabaan ng Upi ay bigla umanong nag-over take si Bilog sa kasunod na motor ni Dela Cruz ngunit hindi kaagad napansin ang kasalubog na ibang sasakyan kaya’t ibinalik sa dating daan na sanhi naman ng pagkakabangga nito sa motorsiklo ni Dela Cruz.


Sa lakas ng impak ay tumilapon sa daan si Dela Cruz na naging sanhi ng tinamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan kung saan ay dinala agad ng Rescue 831 sa Isabela Provincial Hospital sa City of Ilagan ngunit idineklara itong dead on arrival.

Dinala rin sa pagamutan si Bilog dahil sa tinamong sugat sa katawan at napag-alaman na nasa impluwensya ng nakakalasing na alak ang suspek.

Nasa himpilan na ng PNP Gamu ang dalawang sasakyan at inihahanda na kasong RIR in Homicide and Damage to Property laban kay Bilog.

Facebook Comments