Aksidente, Paghahabol sa Christmas Party ang Dahilan

Tuguegarao, Cagayan – Hinahabol nila ang kanilang Christmas party.

Ito ang sinabi ni Police Senior Superintendent Warren Tolito, pinuno ng Cagayan Provincial Police Office sa nangyaring banggaan sa pagitan ng Toyota Hi-Lux PNP Patrol at ten-wheeler truck sa Maharlika Highway, San Lorenzo, Iguig, Cagayan.

Ang insidente na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong pulis Apayao at pagkasugat ng tatlong iba pa ay nangyari bandang 9:45PM noong Disyembre 15, 2017.


Sa panayam bg RMN Cauayan News kay PNP Provincial Director Warren Tolito ay kanyang ibinahagi ang pagkakakilanlan ng tatlong namatay na sina PO1 Ben Jay Keith Pursen na siyang driver ng police patrol, PO1 Jesmode Basiag at PO1 Darrel James Galario.

Samantala ang sugatan ay sina PO1 Winnie Balangui, PO1 Charlo Songgadan Kiat-ong at PO1 John Ray Balong-angay. Sa kabutihang palad ay ligtas na ang tatlong sugatan sa naturang aksidente.

Sa naturang panayam ay sinabi ni Tolito na nag overtake ang patrol car na may plate number SJZ 866 at sumalubong sa kabilang lane na masuwerteng nailagan ng isang naunang kasalubong na truck.

Subalit ang kasunod na truck na may plate number CHF 729 na minamaneho ni Antonio Sumulat y Tatel ng Alicia, Isabela ay nabulaga sa paparating na sasakyan kaya nagkaroon ng harapang salpukan.

Sa lakas ng impact at pumalo pa ang tagiliran ng patrol car sa naturang ten wheeler truck.

Napag-alaman na Christmas party ng Apayao PNP sa gabing iyon na siya umanong hinahabol ng naturang grupo.

Facebook Comments