Aktibong kaso ng COVID-19 sa City of Ilagan, Pumalo sa 58; Alkalde, Naglabas ng Saloobin

Cauayan City, Isabela- Naghayag ng saloobin si Mayor Josemarie Jay Diaz ng City of Ilagan dahil sa tila hindi sinusunod ng mga kababayan nito ang ipinapatupad na health protocol para makaiwas sa banta ng COVID-19.
Ito ay matapos ang biglaang pagtaas ng kaso ng tinamaan ng virus sa nakalipas na pagdiriwang ng holiday season.

Dahil dito, ipinatupad ang pagsasailalim sa lockdown sa ilang purok ng limang barangay sa siyudad simula ngayong araw hanggang Enero 12 ng alas-otso ng gabi.
Kinabibilangan ito ng Purok 5 Brgy. Alibagu na nakapagtala ng tatlong (3) kaso; Villa Jesusa at Brgy. Bliss na may apat (4) na kaso; Purok 6 ng Brgy. Osmeña at Alinguigan 2nd maging ang Purok 4 ng Marana 1st na may tig-tatlong kaso.

Ayon pa kay Diaz, sisikapin nilang makapaglaan ng pondo sa pagbili ng COVID-19 vaccine para magamit ng mga residente.
Sa kasalukuyan, mayroon ng 58 na aktibong kaso ng COVID-19 ang lungsod na masusing binabantayan sa mga inilaang isolation facility ng LGU.


Muli namang nagpaalala ang alkalde na sundin ang pagsusuot ng face mask at face shield upang maiwasan ang pagkahawa sa sakit.

Facebook Comments