Aktibong kaso ng COVID-19 sa Tuguegarao City, Pumalo ng 83

Cauayan City, Isabela- Umabot na sa 83 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Tuguegarao na karamihan ay pawang mga local transmission.

Batay sa pinakahuling datos ng City Health Office, umabot sa 223 ang kabuuang naitalang kaso ng mga tinamaan ng virus simula pa noong magsimulang isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Luzon noong buwan ng Marso.

Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng mga aktibong kaso sa lungsod ay kasabay nito ang pagsasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).


Umabot naman sa kabuuang 137 ang nakarekober na sa sakit matapos ang pakikipaglaban sa virus.

Samantala, para mapalawig ang implementasyon ng mga alituntunin mula sa Pamahalaang Panlungsod, inilunsad ang mga hotline number na (0956-347-7979) para sa mga gustong magreport ng mga pasaway at ng mga hindi sumusunod sa mga protocols.

Ito ay upang hikayatin ang Tuguegaraoeños na maging aktibong kasangkot at makiisa sa pagpapatupad ng mga alituntunin.

Ang inyong mga sumbong ay pagtutuunan ng pansin ng Tuguegarao Command Center, PNP Tuguegarao at mga opisyal ng Barangay.

Facebook Comments