Cauayan City, Isabela-Umaabot na sa 133 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Tuguegarao City, Cagayan at naidagdag sa nasabing bilang ang 15 kaso mula sa datos na inilabas ng Department of Health kahapon.
Ito ang labis na ikinabahala ni Governor Manuel Mamba sa pagtaas ng kaso ng virus sa lungsod.
Batay sa post ng Cagayan Provincial Information Office, 62 katao mula sa 133 ay pawang mga nakasailalim sa home quarantine at pangamba rin ito ng gobernador kung hindi maililipat sa isolation area dahil sa naranasang pagbaha sa mga pasilidad.
Pawang hawaan sa mga tahanan ang pinakahuling kumpirmadong kaso ng nasabing nakamamatay na sakit.
Dahil dito, iminungkahi rin ng punong lalawigan kay Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano ang pagsasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) o kung kailangan ay ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) para mapigilan ang patuloy na paglobo ng bilang ng mga nagpopositibo sa Covid-19 sa lungsod.
Sa kabilang banda, magpapatawag kaagad ng pulong ang alkalde para talakayin kung ano ang mabisang hakbang para dito.
Sa kabuuan ay nasa 477 na ang confirmed cases sa Tuguegarao at lima (5) na ang nasasawi dahil sa Covid-19.
Samantala, nasa 176 ang aktibong kaso ng Covid-19 sa Cagayan kabilang na dito ang active cases sa Tuguegarao.
Patuloy naman ang panawagan ng pamahalaan na sundin pa rin ang standard health protocol para maiwasan ang paglobo ng tinatamaan sa sakit.