Aktibong kaso ng COVID UK variant, Naitala sa Quirino Province

Cauayan City, Isabela- Mahigpit pa rin na binabantayan ng Department of Health (DOH) Region 2 ang isang aktibong kaso ng UK variant na naitala sa Quirino Province.

Ayon kay Dr. Ma. Angelica Taloma, Cluster Head ng DOH-Collaborating Center for disease Prevention and Control Region 2, ito ay base sa ginawang bio surveillance report kung saan nakapagtala ng kabuuang siyam (9) na COVID variant ang Cagayan Valley.

Kinabibilangan ito ng walong (8) UK variant at mula sa nasabing bilang, anim (6) na ang mga nakarekober sa sakit habang isa ang naitalang namatay at isa ang aktibo.


Ayon pa kay Taloma, naitala ang 4 na kaso sa City of Ilagan kung saan isa rito ang namatay, 1 sa Alicia at 1 sa Peñablanca, Cagayan.

Nakapagtala rin ng South African variant ang Sta. Maria, Isabela.

Samantala, nakapagtala rin ng pitong kaso ng UK variant mula sa mga Returning Overseas Filipinos (ROFs) at isang South African variant pero kapwa mga nakarekober na ito.

Inihayag naman ni Dr. Rio Magpantay na patuloy ang kanilang mahigpit na pagbabantay sa mga lugar na may biglaang pagtaas ng kaso ng COVID-19 at nagpapadala sila ng mga sample ng specimen sa Philippine Genome Center upang malaman kung positibo ang mga sa new strains.

Muling ipinaalala ni Magpantay na sundin pa rin ang minimum health standard kontra COVID-19 variant.

Facebook Comments