Aktres na si Jolina Magdangal, sugatan sa sakuna sa kalsada sa Quezon City

Manila, Philippines – Nagtamo ng minor injury at itinakbo sa pagamutan ang aktres na si Jolina Magdangal matapos mabangga ng isang van ang sinasakyan nitong SUV sa kahabaan ng East Avenue, Quezon City kaninang madaling araw.

Ayon sa kanyang driver na si Orly Sebulino, kasama ng aktres sa loob ng sasakyan na isang Mitsubishi Montero ang mister na si Mark Escueta at ang kanilang anak.

Kwento ni Sebulino, ihahatid nya sana ang mag-anak sa airport dahil may flight ito sa Hong Kong nang mangyari ang aksidente pasado ala-una ng madaling araw.


Nakahinto sila sa stop light sa tapat ng Philippine Heart Center nang banggain sila sa likod ng isang VAN na minamaneho ni Peter Sevilla.

Sa lakas ng impact, nawasak ang harapan ng van kung saan naipit ang driver nito habang nabasag din ang salamin sa likod ng SUV ng aktres at nayupi ang bahagi ng sasakyan.

Aminado naman ang driver ng van na napaidlip sya kaya hindi agad nakapreno nang huminto sa stoplight ang SUV ng aktres.
tags: RMN News Nationwide The Sound of the Nation, Luzon, Manila, DZXL, DZXL558

Facebook Comments