Nilinaw ng isang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na walang katotohanan ang sinasabing pagsasagawa ng census ng mga kapulisan sa iba’t ibang mga barangay.
Ito ay kasunod ng akusasyon ni Senator Ping Lacson na nasa ₱800 million ang halaga ng ginamit ng Philippine National Police (PNP) na pondo na kinuha mula sa budget ng NTF-ELCAC.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni NTF-ELCAC spokesperson at Undersecretary Joel Egco na ang mga ito ay bahagi lamang ng lingkod bayan advocacy support groups kung saan nagsasagawa ng feeding program ang PNP kasama ng ibang mga grupo.
Paliwanag ni EGCO, noong nakaraang taon pa ito nagsimula at ginagamit nila ang pondo ng Police Regional Office 3 habang nag-ambagan din ang mga pulis at umabot sa ₱100 milyon ang pondong nalikom.
Una nang sinabi ni Lacson na pagpapaliwanagin niya ang PNP dahil sa sinasabing Intensified Cleaning Program nila sa mga barangay kahit na idineklara na ang mga ito ng mga militar na cleared na mula sa insurgency.