Nasungkit ng Alaminos City Women’s Volleyball Team ang kampeonato sa kauna-unahang Gov. Ramon V. Guico III Inter-Town Volleyball Tournament 2026 matapos talunin ang koponan ng Dagupan City sa iskor na 3-0 sa championship match na ginanap sa Urdaneta City Cultural and Sports Center noong Nobyembre 15.
Ipinagmamalaki ni Mayor Arth Bryan Celeste ang tagumpay ng mga atletang Alaminense na bunga ng kanilang disiplina, pagsisikap, pagkakaisa at determinasyong maiuwi ang karangalan para sa lungsod.
Ayon pa kay Mayor Arth Bryan Celeste, patuloy ang suporta ng pamahalaang lungsod sa mga atleta at programang pang-isports na naglalayong malinang ang kakayahan ng mga kabataang Alaminense at mabigyan sila ng pagkakataong maipakita ang kanilang husay sa mga paligsahan.
Pinangunahan nina Head Coach Cloyd Peter Lalas at Assistant Coach Maridel Rabac ang koponan tungo sa pagkamit ng kampeonato.
Ang paligsahan ay inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan bilang bahagi ng pagsusulong ng aktibong pamumuhay at pagpapaunlad ng larangan ng palakasan sa buong lalawigan.
Sa kabuuan, 88 koponan ang lumahok sa torneo, kabilang ang 45 koponan sa kalalakihan at 43 sa kababaihan.
Samantala, ang koponan ng Umingan naman ang nagkampeon sa dibisyong panlalaki. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








