
Binatikos ni Gabriela Women’s Party Representative Sara Elago, ang umano’y paggamit ng kaniyang larawan sa Camp Bagong Diwa at ibang detalye, na hindi umano nabanggit sa press conference ng Philippine National Police o PNP, para umano ipakita, na walang katotohanan ang mga ulat na pinagkaitan ng access sa abogado at pamilya ang mga inarestong Lakbayanis.
Sa pahayag ng mambabatas, ala-singko pa lang ng hapon ay nasa Camp Bagong Diwa na ang mga pamilya, abogado at paralegal, maging ang kinatawan ng Commission on Human Rights, para bisitahin at kausapin ang mga naarestong raliyista, pero ayaw umano silang papasukin ng mga pulis sa kadahilanang wala pa umanong clearance.
Pinayagan lang umano silang makapasok sa Camp Bagong Diwa pasado alas-dyez ng gabi, matapos ang pakikipagdayalogo at paggiit sa karapatan ng mga inaresto.
Mariing iginiit ng mambabatas, na hindi mababago ng piling mga larawan ang umano’y totoong nangyari sa Camp Bagong Diwa.
Dagdag pa rito, kailangan din umanong imbestigahan at panagutin ang mga opisyal na humarang sa mga abogado at pamilya ng mga inarestong raliyista, para masigurong hindi na mauulit ang paglabag sa karapatan ng mga inaresto.










