BAG NA MAY LAMAN NA HIGIT ₱13,000 AT CELLPHONE, ISINAULI NG TATLONG MAG-AARAL SA MANGALDAN

Pinatunayan ng tatlong batang mag-aaral mula sa Barangay Embarcadero, Mangaldan, Pangasinan na hindi nasusukat sa edad ang pagiging tapat matapos nilang isauli ang isang bag na naglalaman ng mahigit ₱13,000, cellphone, at mga perang US dollar.

Kinilala ang mga bata na sina Kian Agawa, isang Grade 5 pupil, at Kirby Aquino at John Paul De Vera, kapwa Grade 6 pupil.

Ayon sa mga bata, nakita nila ang bag sa isang tulay habang naglalakad pauwi mula sa paaralan.
Sa halip na angkinin ang mga napulot na mahahalagang gamit, agad nila itong ipinagbigay-alam sa kanilang mga magulang at humingi ng tulong upang matunton ang tunay na may-ari.

Nagtungo rin ang tatlo sa tanggapan ng isang opisyal sa kanilang lugar upang matulungan silang maibalik ang mga gamit.

Dahil sa kanilang ipinakitang katapatan, pinuri ang mga bata at ang kanilang mga magulang sa mabuting asal na naitanim sa kanila.

Isang patunay na sa murang edad, kayang magpakita ng integridad at gumawa ng tama kahit walang nakakakita. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments