Kinakailangan na lamang maibaba sa 7% ang average daily attack rate (ADAR) ng NCR para tuluyan itong maibaba sa Alert Level 1.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nasa low risk na ang growth rate at healthcare system capacity sa NCR habang nananatiling high risk ang ADAR.
“Antayin natin itong bumaba to 7. Malapit na yan kasi maliit na lang yung deperensya na 7 cases per day per 100,000 population mula sa 12. Kasi ngayon, 12.22 tayo. Kapag nangyari yon, magiging low risk na ang classification ng NCR at pwede nang bumaba ng Alert Level 1,” ani Duque.
Sa Lunes, magpupulong ang Inter-Agency Task Force para talakayin kung anong alert level ang paiiralin sa Metro Manila pagkatapos ng February 15.
Tiniyak naman ng kalihim na hindi magpapadalos-dalos ang gobyerno lalo’t panahon na ng kampanya kung saan kaliwa’t kanan ang aktibidad ng mga tao.
Samantala, muli ring hinakayat ni duque ang publiko na alisin na ang duda sa mga bakuna at makiisa sa vaccination program ng gobyerno.