Cauayan City, Isabela- Naghahanda na ang lalawigan ng Nueva Vizcaya upang palawigin ang pag-abot sa kanilang pagbabakuna at makuha ang target na 70% ng populasyon bago matapos ang taon.
Una rito, nangako ang health officials sa pagbibigay ng dagdag na alokasyon ng bakuna para sa probinsya.
Tiniyak naman ng Department of Health (DOH) na ang dating alokasyon na bakuna mula sa 5,000-7,000 kada linggo ay itataas na sa 72,000.
Inihayag naman ni Department of Health (DOH) Provincial Coordinator Jan Tugadi na ang pagtaas ng vaccine allocation ay kakailanganin naman ang dagdag na tauhan sa gagawing pagbabakuna gayundin ang mga kagamitan at data encoders sa pamamagitan ng lokal na pamahalaan at iba pang partner agencies.
Kaugnay nito, hinimok naman ni Governor Carlos Padilla ang suporta at tulong ng mga volunteer groups at sector sa lalawigan na tulungan sila sa nalalapit na massive vaccination drive.
Dagdag niya, magbubukas rin ng karagdagang vaccination center upang mabakunahan ang mga Novo Vizcayanos.
Samantala, sinabi naman ni Provincial Health Officer Dr. Edwin Galapon na magsisilbing vaccination site para sa mga walk-in ang Nueva Vizcaya Convention Center (NVCC)
Hinimok naman ang publiko na i-avail ang COVID-19 vaccination drive upang protektahan ang kanilang sarili mula sa severe effects ng virus.