Alyas Bikoy, itinuro ang oposisyon sa paggawa ng script ng “Ang Totoong Narcolist” video

Muling lumantad si Peter Joemel Advincula alyas Bikoy para baliktarin ang mga nauna niyang pahayag laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa pamilya nito.

Dito ay nilinaw ni Bikoy na scripted at puro kasinungalingan ang mga sinabi niya sa serye ng video na nagsasangkot kay Pangulong Duterte at sa first family sa kalakaran ng iligal na droga.

Isiniwalat din nito na si Senator Antonio Trillanes ang katuwang ng Liberal Party sa paggawa ng script ng “Ang Totoong Narco List” video na ikinalat sa social media.


Ginamit aniya siya ng Liberal Party lalo na ni Trillanes para siraan si Pangulong Duterte.

Bukod dito ay ibinunyag din ni Bikoy ang “project sodoma” na siyam na buwang pinag-planuhan para pabagsakin ang Pangulo.

Layon aniya nito na gumawa ng mga isyu gaya ng alegasyon hinggil sa iligal na droga para mailuklok bilang Pangulo si Vice President Leni Robredo.

Paliwanag pa ni Bikoy, pumayag siya na makiisa sa naturang proyekto dahil nasilaw siya sa mga pangako ng oposisyon.

Kasabay nito ay inabsuwelto ni Bikoy si Senator elect Bong Go kung saan nilinaw nitong wala itong dragon tattoo sa likod maging si Davao 1st District Representative elect Paolo Duterte.

Nag-sorry din si Bikoy kay Veronica “Kitty” Duterte na idinawit sa ikalawang video ng “Ang Totoong Narco List”.

Dagdag pa nito, alam niyang sirang-sira na ang kanyang kredibilidad dahil sa kanyang pabago-bagong pahayag pero handa aniya siyang ibigay sa mga otoridad ang mga hawak niyang ebidensya na magpapatunay na totoo ang kanyang mga isiniwalat.

Samantala, nanindigan si Philippine National Police Chief Director General Oscar Albayalde na hindi pamumulitika ang pagpayag nila na iharap si Bikoy sa media.

Facebook Comments