Thursday, March 12, 2026

American company, planong magtayo ng medical glove factory sa Pilipinas

Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang American company na nagbabalak magtayo ng medical glove manufacturing facility sa Pilipinas.

Sa pulong sa New York, tinalakay ng Pangulo at ng mga opisyal ng U.S. Medical Glove Company ang planong pamumuhunan ng kumpanya sa bansa.

Ayon sa Pangulo, nakapagpadala na ng mga kinatawan ang kumpanya sa Pilipinas at nagsimula na ang mga paunang hakbang para sa pagtatayo ng kanilang unang planta. Mayroon na rin itong lokal na partner habang pinag-aaralan pa ang posibleng pagpapalawak ng proyekto sa mga susunod na yugto.

Kapag natuloy, inaasahang makalilikha ng mahigit 2,000 trabaho ang proyekto at makatutulong sa lokal na produksyon ng medical gloves at iba pang essential medical supplies na ginagamit ng healthcare workers at iba pang sektor.

May posibilidad din na makapag-export ang Pilipinas ng mga produktong gagawin sa planta kapag naging maayos ang operasyon nito.

Tinatayang aabot sa 200 milyong dolyar ang paunang halaga ng pamumuhunan para sa naturang proyekto.

Facebook Comments