AMLC, pinamamadali sa pagtukoy sa pondong pinagmumulan ng Maute Group

Manila, Philippines – Kinalampag ng House Minority sa Kamara ang Anti-Money Laundering Council o AMLC na madaliin ang imbestigasyon sa pagtukoy sa pinagkukunan ng pondo ng Maute group.

Ito ay matapos matuklasan ng militar ang nasa 79.2 Million na cash at tseke sa kuta ng Maute group.

Giit ni Minority Leader Danilo Suarez, dapat na gamitin ngayon ng AMLC ang kanilang “expertise for national security” sa pagbusisi ng pondo ng teroristang grupo.


Dapat aniyang matukoy kung sino o anong grupo ang nagpopondo sa Maute para maipagpatuloy ang kanilang karahasan sa Mindanao.

Partikular na pinasisilip din ni Suarez ang mga bank transactions ng mga kahina-hinalang grupo o kumpanya upang matiyak na hindi ang Maute ang tumatanggap ng salapi.

Pasaring naman ni Suarez, kung magaling ang AMLC sa pagbusisi sa mga SALN at piling bank accounts at transactions ngayon ay pagkakataon na tumulong na gamitin ang kakayahan para maisalba ang national security ng bansa.

Facebook Comments