Manila, Philippines – Hinikayat ni AASENSO Party-list Representative Teodoro G. Montoro na magpanukala ang Department of Transportation (DOTr) ng amnesty program para sa mga PUVs.
Ito ay bunsod na rin ng tigil-pasada ngayong araw kung saan ilang transport groups ang tutol sa planong modernisasyon ng DOTr.
Hinihimok nito ang DOTr na magkaroon ng probisyon na amnesty program na oobliga sa lahat ng operator ng colorum units na isuko sa gobyerno ang lahat ng colorum na sasakyan para mapalitan ito ng mga electric at environment-friendly na mga sasakyan.
Ang mga sakop ng amnestiya na colorun units na maayos pa ang kalagayan ay maaaring i-donate ng gobyerno sa mga State Universities and Colleges (SUCs) at sa mga probinsya para mapakinabangan.
Ang mga luma at kakarag-karag na mga colorum units ay kakatayin at pipiyesahan at ilalagak ang mapagbebentahan sa kaban ng gobyerno.
Ang nasabing amnesty ay nakikitang epektibong diskarte para matanggal ang libu-libong mga colorum at road unworthy na mga sasakyan na bumibyahe pa rin sa Metro-Manila.