Baguio, Philippines – Nakatanggap ng tatlong inaasam-asam na “yes” ang Cordilleran singer na si Andrew “Roque” Belino sa kanyang TV audition noong nakaraang linggo sa nagaganap na singing competition sa Pilipinas.
Ang 20-anyos na si Roque o “Bang-e”, kung tawagin ng kanyang pamilya, ay tubong Mountain Province at kumuha ng kursong Agricultural Engineering sa Benguet State University. Isa rin siya sa mga libu-libong nangangarap na maging isang sikat na singer sa Pilipinas.
“Dream ko talaga yun, na maging isang sikat na singer sa Pilipinas. Simula noong highschool, first year high school, yun na talaga yung pangarap ko. (Ang) makapag-audition sa ganito. Maipakita lang yung talent ko,” paglalahad niya. Kwento rin ni Roque na sa dinami-rami nang nag-audition sa Baguio ay pinalad siyang makapasa para maisalang sa TV auditions ng nasabing kompetisyon. Dito rin siya magkakaroon ng pagkakataong ipamalas pa ang galing ng mga Cordilleran sa pag-awit sa susunod na round.
“Parang ano, proud ganun. Parang hindi makapaniwala na nag-yes sila. Buti naman nagustuhan nila… nakakaproud kasi yun nga, ako lang yung pinalad tapos ako lang yung nabigyan ng chance para i-represent yung Cordillera so, nakaka-proud talaga,” dagdag pa niya.
Nabatid na tumigil si Roque sa kanyang pag-aaral upang matulungan ang kanyang ama sa pagtatrabaho bilang isang minero sa loob ng apat na taon. Matapos nito, sinunggaban na niya agad ang pagkakataong tuparin ang kanyang pangarap sa pag-awit. Nai-kuwento rin niya na ang pagsali niya ay para makatulong sa kanyang tatay sa pagpapatayo ng kanilang bahay at mapag-aral ang kanyang mga kapatid.
Bago pa man siya nag-audition ay mahilig nang kumanta si Roque kasama ng kanyang mga katrabaho.
Maliban sa pagkanta ay naglalaro rin ng basketball at volleyball si Roque at wala pa raw sa kanyang isip ang pakikipag-relasyon dahil nakatuon ang kanyang pansin sa career.
Sa ngayon ay naghahanda na siya para sa susunod ng round sa kompetisyon.
iDOL, napanood mo ba siya? Tara support tayo!