Ang Para sa mga Katutubo ay Marapat Lamang na Mapasakanila – VG Jose Tomas Sr

Kung anuman ang nararapat para sa mga katutubo ay dapat lang na mapasakanila.

Ito ang ipinahayag ni Nueva Vizcaya Vice Governor Jose “Tam-an” Tomas Sr sa kanyang pakikipag ugnayan sa mga kasapi ng media sa mismong kaarawan nito ngayong Enero 6, 2022. Nag-ugat ang kanyang pahayag mula sa katanungan kung ano ang kanyang masasabi hinggil sa hindi naibigay na royalty ng tribong Bugkalot mula sa operasyon ng Casecnan Dam at sa minahan na pinamamahalaan ng Oceana Gold Philippines Incorporated.

Kanyang ipinahayag na bagamat hindi naibabahagi ng ehekutibo ng Nueva Vizcaya sa kanya bilang Bise Gobernador ang estado ng mga inaasahang kapakinabangan ng tribong Bugkalot na ilan sa mga ito ay nakatira sa Nueva Vizcaya ay naniniwala siya na marapat lang na makamit ng naturang tribo ang kanila.

Ang patunay aniya na siya ay sumusuporta sa kapakanan ng mga katutubo o Indigenous People (IP) ay ang kanyang pakikipaglaban upang mapunan ang Indigenous Peoples Mandatory Representative o IPMR sa probinsiya ng Nueva Vizcaya. Kanyang inilahad ang kanyang pakikipaglaban sa likod ng ilang pagtutol sa pagkakaroon ng Nueva Vizcaya ng IPMR.

Sa naturan pulong balitaan ay naging paksa din ang usapin tungkol sa iba’t ibang katutubo na naninirahan sa lalawigan ng Nueva Vizcaya. Kanyang sinabi na sana ay mawala na ang diskriminasyon at mawala na rin ang pagkakapangkat base sa kinabibilangang tribu at matawag lahat ng nakatira sa Nueva Vizcaya na Novo Vizcayano dahil ang probinsiya ay tinitirhan ng mga taong galing sa iba’t ibang panig ng bansa mapa Igorot, Bugkalot, Isinai, Ayangan, Tuwali, Tagalog, Pampango o Ilokano man.

Ang pulong balitaan ay itinaon sa ika- 64 na kaarawan ni Nueva Vizcaya Vice Governor Jose “Tam-an” Tomas Sr na kung saan ay kabilang lamang ang kanyang ugnayan sa media sa mga inihandang aktibidad.

Unang isinagawa sa araw ng kanyang kaarawan ang pagtatanim ng narra sa loteng sakot ng Tam-An Cooperative sa Barangay Busilac, Bayombong, Nueva Vizcaya. At sa bandang hapon ay ang pagtitipon naman ng mga pinuno ng ibat ibang denominasyon para sa pag-aalay panalangin para sa kanyang kaarawan at sa kanyang pagkandidato bilang Gobernador ng Lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Maliban na sa pagiging Bise Gobernador ng Nueva Vizcaya ay si Ginoong Jose Tam-an Tomas Sr din ang CEO ng isang matagumpay na kooperatiba sa bansa na Tam-an Banaue Cooperative na ngayon ay may kabuuang tatlong trilyong piso na halaga ng ari-arian.

Ginanap ang pulong balitaan sa Barangay Busilac, Bayombong, Nueva Vizcaya sa mismong Tam-an Cooperative Hotel, Restaurant and Resort kahapon, Enero 6, 2022.

Facebook Comments