
Tinitingnan ng Philippine National Police (PNP) ang anggulong may kinalaman sa trabaho bilang isa sa mga posibleng sanhi ng pagkamatay ng police officer na natagpuang patay sa loob ng kanyang quarters sa Davao City.
Sa pulong balitaan na ginanap sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson PBGen. Randulf T. Tuaño na kabilang sa mga sinisiyasat na anggulo ang mga tungkuling may kaugnayan sa trabaho ng nasabing opisyal.
Nabatid na ang nasawing police officer ay may ranggong Assistant Regional Director for Logistics.
Ayon kay Tuaño, may mga trabahong minana umano ang nasawing pulis na hindi nito marekonsilya, na isa sa mga tinitingnang anggulo ng pulisya sa ngayon, partikular na ang imbentaryo ng mga baril.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring insidente.










