Anila’y malawakang paglabag sa Konstitusyon kaugnay ng Anti-Terror Act, inisa-isa ng petitioners

Inisa-isa ng mga petitioners kontra Anti-Terror Law ang anila’y mga paglabag sa Konstitusyon na nakapaloob sa nasabing batas.

Tinukoy ni dating Solicitor General Jose Anselmo Cadiz, abogado ng petitioners, ang aniya’y maraming panganib sa publiko ng nilalalaman ng Anti-Terrorism Act partikular sa civil liberties.

Maituturing din aniyang “war against the people” o giyera laban sa mamamayan ang nasabing batas.


Ayon naman kay Atty. Evalyn Ursua, mistulang tinapalan ng Implementing Rules and Regulations of Anti-Terrorism Act ang mga butas ng Anti-Terror Law.

Binigyang-diin din ni Ursua na labis na nakakabahala ang red-tagging sa mga aktibista at sa mga kritiko ng gobyerno na aniya’y hindi malayong matulad sa sinapit ng human rights advocates na sina Atty. Benjamin Ramos at Zara Alvarez.

Inupakan din ni UP Constitutional Law Atty. Alfredo Molo III ang aniya’y kabiguan ng mga may-akda ng batas na malinawan ang tunay na kahulugan ng salitang “terorismo”.

Tinawag naman ni dating Rep. Neri Colmenares ang Anti-Terror Law na “constitutionally invalid” dahil sa hindi malinaw ang kahulugan ng “terorismo” dahil sa malawak ang salitang ito na anila’y delikado dahil mismong ang mga otoridad ay hindi nalinawan sa tunay na kahulugan nito.

Sa panig naman ni opposition Congressman Edcel Lagman, sinabi nito na nakagawa ng “grave abuse of discretion” ang kanyang mga kapwa-mambabatas nang ipasa nito ang Anti-Terror Law dahil sa aniyang malawakang paglabag sa Konstitusyon ng mga probisyon ng batas.

Physically present naman sa oral arguments ang lahat ng 15 mahistrado ng Korte Suprema.

Facebook Comments