Anim, Kulong Dahil sa Paglalasing sa Kasagsagan ng Bagyo

Cauayan City, Isabela – Arestado ang anim na katao matapos maaktuhang umiinom ng alak sa kasagsagan ng bagyong Jolina.

Sa nakalap na impormasyon ng 98.5 DWKD RMN News Team, nagroronda ang mga kasapi ng Cauayan PNP at Public Order and Safety ng Cauayan bandang hapon ng Agosto 25, 2017 bilang bahagi ng paghahanda sa pagdating ng bagyong Jolina nang maaktuhan ang limang kalalakihang lumalagok ng alak sa isang tindahan ng District 1, Cauayan City, Isabela.

Sinita at inaresto ang mga sangkot na Charito Munoz, 43 taong gulang, balo, residente ng Buyon, Cauayan City na siyang me ari ng tindahan; Jojo Santos,42 taong gulang, may-asawa , residente ng Villa Voncepcion, Cauayan City; Reggie Bugan 32 taong gulang, may-asawa, residente ng Nungngungan Dos Cauayan City; Jeffrey Santos 24 taong gulang , binata , residente ng Villa Concepcion, Cauayan City at Rey Condimilacor na tubong Bacolod City ngunit pansamantalang naninirahan sa Napakku Pequenio, Reina Mercedes, Isabela.
Hindi kinagat ng mga otoridad ang katwiran ng limang kalalakihan na sila lamang ay nagpapalipas ng oras imbes ay dinala sila sa PNP station kasama ang may ari ng tindahan upang doon na lang sila tumambay.


Kasama sa mga ipinagbabawal ng PDRRMC ng Isabela sa panahon ng bagyo ay ang pagbebenta at pag inom ng alak o ang liquor ban. Maging ang mga red light districts sa panahon ng liquor ban ay bawal din ang pagbenta ng mga nakakalasing na inumin.

Ang mga naaresto ay nahaharap sa kasong paglabag sa lokal na panuntunan na nagbabawal sa pagbebenta at pag inom ng alak sa panahon ng bagyo o kalamidad.

Facebook Comments