Kasabay ng pagdalo ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) sa Asia-Pacific Economic Cooperation o APEC Summit sa Bangkok, Thailand ay magkakaroon din ng anim na bilateral meetings ang pangulo.
Sa pre-departure briefing sa Malakanyang, kinumpirma ni Department of Foreign Affairs (DFA) Asec. Eric Gerardo Tamayo ang pagkakaroon ng anim na bilateral meeting ng pangulo sa Thailand.
Pero hindi pa inihayag ni Asec. Tamayo kung sinu-sino sa mga counterpart ng pangulo ang nakatakda para sa bilateral meeting.
Aniya, kailangan pang isapinal ang mga arrangement para sa mga bilateral meetings.
Samantala, hindi rin makumpirma ni Asec. Tamayo kung magkakaroon ng bilateral meeting ang pangulo kay Russian President Vladimir Putin at US Vice President Kamala Harris.
Pero ayon kay DFA Spokesperson Teresita Daza, kinumpirma ng US Government na bibisita sa bansa si US Vice President Kamala Harris pagkatapos ng APEC Summit sa Thailand.