Anim na regional vice president ng PhilHealth, naghain ng leave of absence

Boluntayong naghain ng leave of absence ang anim na regional vice president ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa umano’y mga anomalya sa ahensya.

Sa sulat na may petsang August 15, ipinaalam ng anim na opisyal kay PhilHealth Executive Vice President Arnel De Jesus ang desisyon nilang mag-leave muna sa trabaho epektibo bukas, August 17.

Samantala, dalawa sa kanila ang kasalukuyang nasa floating status simula pa noong Setyembre ng nakaraang taon.


Kabilang sa mga naghain ng leave of absence ay sina Vice Presidents Paolo Johann Perez (Region IV-B), Datu Masiding Alonto Jr. (Region X), Atty. Valerie Anne Hollero (Region VI), Atty. Khaliquzzman Macabato (BARMM), Dennis Adre at William Chavez.

Nagdesisyon umano silang mag-leave kasunod ng panawagan ng Department of Justice at bilang suporta sa isinasagawang imbestigasyon ng Kongreso.

Ang anim na opisyal ay matatandaang tinukoy ni dating PhilHealth chief Roy Ferrer na sangkot sa sinasabing “mafia” sa ahensya.

Pero ayon sa whistleblower at dating anti-fraud officer Thorrsson Montes Keith, walang kapasidad na magnakaw ng pera ang anim na nabanggit na opisyal dahil wala silang hinahawakang opisina sa central office ng PhilHealth.

Facebook Comments