Camp Melchor F Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela – Anim na sundalo ang sugatan matapos mabiktima ng landmine sa Barangay Sangbay, Nagtipunan Quirino kaninang umaga, Hulyo 11, 2017.
Sa ulat na naalap ng DWKD 98.5 RMN News Team mula kay Army Captain Jefferson Somera, pinuno ng Department of Public Affairs Office (DPAO) at tagapagsalita ng 5ID, Philippine Army ay pauwi na ang tropa ng Bravo Company ng 86 IB mula sa pakikipagpulong sa barangay nang sila ay pasabugan ng landmine ng mga rebeldeng komunista.
Ang pagpapasabog ng landmine ay nagresulta sa pagkasugat ng anim na sundalo na agad itinakbo sa Diduyon District Hospital sa naturan ding probinsiya. Tatlo ang agarang pinalabas matapos lapatan ng paunang lunas samantalang ang natitirang tatlo ay inilipat sa Cabaroguis Hospital. Masuwerterng hindi napuruhan ang sasakyan ng militar na siya ding ginamit sa pagtakdo sa anim na sundalo sa hospital
Ayon kas Captain Somera, ang pag lalandmine ng mga rebelde na ipinagbabawal ng Comprehensive Agreement on Respect of Human Rights and International Humanitarian Law(CARHRIHL) at Internasyunal na pamantayan ng pakikidigma partikular ang protocol sa paggamit ng mina at pampasabog ng mga rebelde ay resbak umano ng mga komunista sa pagkakakubkob ng kanilang kampo sa Disimungal, Quirino noong Hulyo 4, 2016 ng 86IB.
Sa parehong pahayag ng DPAO na ipinaabot sa RMN News Team ay mariing kinokondena ni 5ID Commanding General MGen Paul T Atal ang naturang insidente dahil ito ay malinaw umanong paglabag sa (CARHRIHL) at sa internasyunal na protocol ng pakikidigma.
Habang isinusulat ang balitang ito ay di pa maibigay ng 5ID ang pangalan ng anim dahil uunahin umanong aabisuhan ang mga kamag anak ng mga sundalo.