Manila, Philippines-Bagamat natalo sa botohan para pigilan ang pagpapasa sa death penalty sa ikatlo at huling pagbasa, ikinararangal naman ni Albay Rep. Edcel Lagman ang mga kongresista na bumoto ng NO sa panukala.
Tinawag ni Lagman na "brave souls" ang 53 kongresista na kasama niyang nanindigan at tumayo para tutulan ang pagbabalik sa parusang kamatayan.
Ayon pa kay Lagman, saludo siya sa katapangan ng 53 anti-death penalty congressmen at hinahangaan niya ang mga ito.
Malaki din ang kanyang respeto dahil mula simula hanggang sa magbotohan para sa huling pagbasa ay hindi nagbago ang paninindigan ng mga ito.
Magpapatuloy anila ang kanilang laban sa death penalty kahit pa pasado na ito sa Kamara.
Plano naman ng grupo ni Lagman sa Kamara na maghain ng petisyon sa Korte Suprema para ipabasura ang death penalty sa oras na mapirmahan ito ng Pangulong Duterte.