Mas pinalakas pa ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang kanilang “Anti-dengue drive” bago ang nakatakdang pagbabalik ng face-to-face classes.
Sa pahayag ni Dir. Arnel Angeles ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO, araw-araw ay patuloy ang kanilang fogging at misting operations sa iba’t-ibang paaralan sa lungsod ng Maynila.
Sa katunayan, ngayong araw ay hindi bababa sa tatlong eskwelahan ang kanilang iikutan.
Sinabi ni Angeles na kailangang matiyak ang proteksyon ng mga guro at estudyante laban sa dengue bago gamitin ang mga silid aralan at ibang lugar sa paaralan.
Maliban dito, nagsasagawa rin ng fogging at misting operations sa mga barangay sa anim na distrito ng Maynila ang MDRRMO, maging sa mga korte at mga opisina sa Manila City Hall.
Patuloy naman ang apela ng lokal na pamahalaan ng Maynila na sa sariling kaparaanan ay maglinis ng bahay o kapaligiran ang mga residente at mag-ingat upang maiwasan na matamaan ng dengue o iba pang mga sakit.
Sa ngayon, nakatutok pa rin ang Manila Local Government Unit (LGU) sa sitwasyon ng dengue sa lungsod lalo na’t pabago-bago ang lagay ng panahon.