Quezon City – Iniutos ngayon ng sangguniang panglungsod ng Quezon sa lahat ng mga school administrators at mga barangay health officers na ilabas ang master list ng mga nabakunahan ng Dengvaxia.
Kasabay nito, oobligahin din ng Quezon City government ang Department of Health (DOH) na pagkalooban ng medical assistance ang lahat ng mga residente nito na nabakunahan ng Dengvaxia.
Ito ay alinsunod sa nilalaman ng City Resolution 7469-2018, na inakda nila Councilors Precious Hipolito-Castelo, Melencio Castelo at Karl Edgar Castelo.
Naging batayan ng resolusyon, ang mismong pag-anunsyo ng Sanofi Pasteur na ang kanilang dengue vaccine, ang Dengvaxia, ay maaring magdulot ng severe cases ng dengue fever kung ang mga naturukan ay hindi pa nagka-infection dahil sa dengue virus.
Gayundin ang December 2017 data ng World Health Organization (WHO) na nagkukumpirma na ang mga nabakunahan ng dengue vaccine na walang history ng pagkakaroon ng infection sa dengue ay mas malaking ang panganib na makakuha ng severe illness.
Mula April 2016, idineklara ng DOH na may 830,000 na bata sa buong bansa ang naturukan ng Dengvaxia.