Manila, Philippines – Dinepensahan ni House Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles sa AFP at PNP ang panawagan nito na i-lift ang tattoo ban sa mga nais pumasok na sundalo at pulis.
Para sa AFP pangit sa imahe at pang-gangster lang umano ang pagkakaroon ng tattoo habang ang PNP naman ay iginiit na anti-grooming ito at tradisyon na ang hindi pagtanggap sa mga nag-a-apply na maging enlisted men na may tattoo.
Giit ni Nograles, makakatulong ang pagbawi ng ban sa tattoo sa AFP at PNP para mas marami pa ang ma-recruit sa organisasyon.
Aniya, marami ang mga applicants na nais mapasama sa enlisted list pero hindi nakakapasa dahil sa may tattoo.
Dagdag pa ng kongresista, bukod sa practical ito para dumami ang mga sundalo at pulis, anti-discriminatory din ang lifting ng tattoo ban.
Hindi din aniya patas na ipagkakait sa mga may tattoo ang pagnanais nilang maglingkod sa bayan.
Binigyang diin pa ni Nograles na ang criteria na dapat tingnan sa isang aplikante ay physical at mental fitness gayundin ang good morals.