Anti-Endo Bill, ipinasa na ng Kongreso pero vineto ni Pangulong Duterte

Binigyang diin ni Senate President Tito Sotto III na ipinasa na ng Kongreso ang Anti-Endo Bill pero ito ay vineto o ibinasura ni Pangulong Rodrigo Duterte noong July 26, 2019 kaya hindi naisabatas.

Tugon ito ni SP Sotto sa panawagan ni Presidential Spokesman Harry Roque sa Kongreso na aprubahan na ang Anti-Endo Bill o panukalang tatapos sa kontraktwalisasyon.

Sabi pa ni SP Sotto, mali rin ang binanggit ni Roque na Senate Bill 1826 dahil iyon ay hindi naman Anti-Endo Bill kundi panukalang paglikha ng congressional district sa lalawigan ng Rizal.


Ipinaalala naman ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva na matapos i-veto ni Pangulong Duterte ay agad silang naghain noon ng panibagong Anti-Endo Bill.

Diin ni Villanueva, hanggang ngayon ay naghihintay pa rin sila mula sa Malacañang ng nais nitong bersyon ng panukala para matalakay na nila sa committee level at kung muling makakapasa ay maiwasan na muling mai-veto.

Dagdag pa ni Villanueva, hanggang ngayon ay hindi rin malinaw sa kanila kung ano ang dahilan ng pag-veto ng Pangulong Duterte sa panukala na sadyang mahalaga at mahigpit na binusisi ng Kongreso.

Facebook Comments