Anti-jaywalking unit ng MMDA, isinasailalim sa imbestigasyon matapos matuklasan ang mala-sindikatong operasyon nito

Pinaiimbestigahan ngayon ni Metro Manila Development Authority o MMDA General Manager Jojo Garcia sa National Bureau Of Investigation o NBI ang isang opisina ng kanilang tanggpaan na nasasangkot sa anomalya.

 

Mismong si Garcia ang nagbaklas ng lock ng pintuan ng anti-jaywalking unit ng MMDA na di-umanoy mala-sindikato ang operasyon.

 

Nabatid kasi na una nang nadakip ang deputy for operations ng nasabing opisna na si Joanna Eclarinal makaraang mag-isyu ng pekeng resibo sa isa sa mga nahuli ng kanilang tauhan.


 

Dahil dito, nahaharap si Eclarinal sa kasong falsification by a public officer at syndicated estafa kung saan hindi naman mahagilap ang head ng anti-jaywalking unit na si Salvador Galang at dalawa pa nitong tauhan.

 

Diskarte ng mga suspek na mag-isyu ng mga pekeng resibo sa mga nahuhuli ng kanilang tauhan pero isa sa mga pinagmulta nila ay nagreklamo sa tanggapan ni Garcia dahil sa sobrang laki ng siningil.

 

Natuklasan din sa opisina ang sangkaterbang resibo na ipapasuri ni Garcia kung peke o hindi habang patuloy nilang inaalam kung may iba pang sangkot sa ganitong uri ng iligal na aktibidad.

Facebook Comments