Tuesday, March 3, 2026

Anti-Political Dynasty Bill, aprubado na sa komite

Inaprubahan na ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang substitute bill kaugnay ng panukalang Anti-Political Dynasty.

Nakakuha ito ng 20 boto mula sa mga miyembro ng komite, habang apat ang tumutol.

Ayon kay Committee Chairman, Zia Alonto Adiong, pinagsama-sama sa substitute bill ang 25 bersyon ng panukala, kung saan nangibabaw ang House Bill (HB) 6711 na inihain nina House Speaker Faustino Dy III at Rep. Sandro Marcos.

Paliwanag ni Adiong, ang HB 6711 ang magsisilbing working draft dahil ito ang nakakuha ng pinakamaraming suporta.

Mahigit 100 kongresista na rin aniya ang nagpahayag ng intensyong maging co-author ng panukala.

Sa ilalim ng working draft, hindi papayagan ang pagtakbo ng magkakamag-anak sa parehong political unit hanggang second degree of consanguinity o affinity.

Dagdag pa ni Adiong, sa pagbuo ng substitute bill ay isinasaalang-alang ang mga lumabas sa apat na pagdinig ng komite at tatlong public consultation na idinaos sa Carmona para sa Luzon, Cebu City para sa Visayas, at Cagayan de Oro para sa Mindanao.

Facebook Comments