ANTI-PRANK CALLERS ORDINANCE SA PANGASINAN, TARGET TUTUKAN ANG MGA TUNAY NA EMERGENCY

Nagbigay ng babala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Pangasinan laban sa patuloy na pagdami ng prank callers sa Pangasinan 911, na nakaaapekto sa agarang pagtugon sa mga tunay na emergency.

Ayon sa tanggapan, ang maling paggamit ng emergency hotline tulad ng pagbibiro, panlilinlang, o pag-uulat ng pekeng insidente ay nagdudulot ng pagkaantala sa pagresponde ng mga awtoridad at maaaring magbunsod ng panganib sa buhay at ari-arian ng mga nangangailangan ng agarang tulong.

Ipinaliwanag ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na bawat prank call ay kumokonsumo ng oras, tauhan, at resources na dapat sana’y nakalaan para sa mga lehitimong emergencies gaya ng aksidente, sakuna, sunog, at iba pang banta sa kaligtasan ng publiko.

Binigyang-diin din ng tanggapan na may umiiral na ordinansa ang lalawigan na nagbabawal at nagpapataw ng parusa laban sa mga prank callers sa Pangasinan 911, bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya upang mapanatili ang kaayusan at pagiging epektibo ng emergency response system.

Hinimok ng tanggapan ang publiko na gamitin ang Pangasinan 911 nang responsable at tumawag lamang sa mga tunay na emergency upang masiguro na ang tulong ay agad na makararating sa mga nangangailangan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments