Antigen testing sa mga evacuation center, isinasagawa na ayon sa Palasyo

Upang makaiwas sa hawaan ng COVID-19 sa mga evacuation center, nagsasagawa na ng COVID-19 testing o antigen test sa mga evacuees na pansamantala pa ring kinakanlong ng iba’t ibang govt facilities.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque hindi man masiguro na lahat ng mga bakwit ay maisasalang sa testing pero ang lahat ng may mga sintomas ay dapat sumailalim sa pagsusuri.

Paliwanag nito, ang mga frontliners kasama ang iba pang sektor na sakop ng expanded COVID-19 testing ay libreng maisasalang sa RT-PCR test habang ang iba ay isasailalim naman sa antigen test.


Sa pamamagitan aniya ng antigen test ay mas marami at mas mabilis na malalaman ang resulta ng COVID-19 test.

Pahayag ito ng kalihim matapos imungkahi ng OCTA Research team na isalang sa testing, contact tracing at isolation ang mga indibidwal na inilikas sa mga evacuation center dahil sa pangambang muling sumirit ang kaso ng COVID-19.

Facebook Comments