Apat katao, kabilang ang isang menor de edad – nahulihan ng marijuana sa Quezon City

Quezon City – Arestado ang apat katao kabilang ang menor de edad at isang babae na umano’y responsable sa pagtutulak ng pinatuyong dahon ng marijuana sa mga estudyante sa Quezon City.

Iniharap sa media sa kampo Karingal ang mga suspek na si Eunice Zhiska Zeta, 27 anyos; John Ross; Norman Peñaflor; at isang 16 anyos na menor de edad.

Ayon kay QCPD District Director, Chief/Supt. Guillermo Eleazar, nahuli sa akto ng isang guro sa isang exclusive school ang isang elementary pupil na may mga dalang pinatuyong dahon ng marijuana.


Dahil dito ay agad na itinimbre sa pulisya ang insidente, kasunod ang isinagawang follow-up operations at naaresto ang mga suspek.

Ayon kay Eleazar, ang 16 yrs old na elementary student na kasabwat umano ng mga suspek ay nasa pangangalaga na ngayon DSWD.

Nakuha sa mga suspek ang 1/4 kilo gram ng marijuana at 2 cellphone.

Paliwanag ni Eleazar, ibinebenta ng mga suspek sa halagang 11 libong piso kada-1/4 ng marijuana na kinukuha naman ng 9 na libong piso sa kanilang supplier.

Ikinatuwa naman ng mga magulang ng mga mag-aaral ang pagkakaaresto sa mga suspek dahil nabawasan ang mga nagbebenta ng iligal na droga sa mga estudyante.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9164 o Comprehensive Dangerous Drug Act ang tatlong mga suspek habang inilipat na sa pangangalaga ng DSWD ang menor de edad.

Facebook Comments