Apat na Barangay sa Lungsod ng Cauayan, Idedeklarang ‘Drug Cleared’ ng PDEA Region 2

*Cauayan City, Isabela*-Nakatakdang ipagkaloob ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2 bukas sa apat na barangay sa Lungsod ng Cauayan ang sertipikasyon bilang ‘Drug Cleared’ barangay matapos pumasa sa oversight committee ng nasabing ahensya.

Ayon kay Kapitan Dennis Dela Cruz ng Brgy. Buena Suerte, mahigpit ang kanilang naging aksyon para masugpo ang iligal na droga sa kanilang lugar katuwang ang Cauayan City Police Station.

Sinabi pa ni Kapitan Dela Cruz, 24 oras ang kanilang pagbabantay kaya’t maituturing aniya na wala ng presensya ng iligal na aktibidad sa kaniyang nasasakupan.


Kaugnay nito, nasa 12 ang tokhang responder ng nasabing barangay kaya ang mga nasabing dating aktibo sa droga ay nagbago na dahil na rin sa mahigpit na kampanya ni Pangulong Duterte na masugpo ang droga.

Kabilang din sa mga tatanggap ng sertipikasyon ay ang Brgy. Amobocan,Guayabal at Nungnungan 2.

Facebook Comments