Apat na Katao, Nabaril ng Pulis sa Baggao Cagayan!

Baggao, Cagayan – Apat na katao ang nabaril ng pulis matapos siyang saksakin ng tatlong beses, pasado ala una ng hapon sa Sitio Hot Spring, Assingga-Via Baggao, Cagayan nitong nakaraang biyernes, May 26,2018.

Batay sa impormasyong ipinarating sa RMN Cauayan, kinilala ang pulis na si SPO1 Michael Domingo, 39 taong gulang, may asawa, nakatalaga sa Santiago Police Station 2, Santiago City at residente ng Ugac Sur, Tuguegarao City.

Samantala ang nabaril ni Domingo ay sina Mario Cabaro, 58 taong gulang, isang magsasaka; Jeffrey Cabaro, 37 taong gulang, isang magsasaka; Leonita Cabaro, 59 taong gulang at Pepito Agustin, 60 taong gulang, isang magsasaka, pawang mga residente ng Sitio Hot Spring, Asingga Via, Baggao, Cagayan.


Sa imbestigasyon ng PNP Baggao, kasama umano ng pulis ang pamilya para sa isang piknik sa Hot Spring at sa kalagitnaan ng kasiyahan ay lumapit ang dalawang kalalakihan at basta na lamang sinaksak si Domingo ng tatlong beses sa kaliwang bahagi ng kanyang dibdib.

Dahil dito ay tatlong putok ng baril ang narinig na umanoy mula sa pulis, kung saan natamaan si Mario Cabaro sa bahaging likod ng katawan, si Lolita Cabaro naman ay natamaan ang kaliwang bahagi ng kanyang braso, si Pepito Agustin ay natamaan ang kaliwang bahagi ng katawan na tumagos sa noo ni Jeffrey Cabaro na binawian ng buhay habang itinakbo sa pagamutan.

Ang pulis at tatlong biktima ay nasa isang pagamutan sa Tuguegarao City para sa karampatang lunas at inaalam pa ng kapulisan kung nasa impluwensya ng alak ang pulis maging ang mga biktima.

Una rito ay nabatid na nagkaroon ng karambola sa lugar kung saan ay isinubsob umano ni Domingo sa tubig ang isa sa mga biktima.

Sa ngayon ay nasampahan na ng kasong Homicide at Frustrated Homicide at  pansamantalang sinibak na sa pwesto sa Santiago City Police Station 2 si SPO1 Michael Domingo.

 

 

Facebook Comments