
Apat na indibidwal ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon laban sa ilegal na sugal o “bookies” sa mga bayan ng Bugallon at Bayambang.
Sa Bugallon, nagsagawa ng anti-illegal gambling operation ang Bugallon Municipal Police Station (MPS), katuwang ang Provincial Intelligence Unit (PIU) at Pangasinan Police Provincial Office (PPO) na nauwi sa pagkakaaresto ng tatlong lalaki na nasa edad 44, 60, at 68. Lahat ng mga suspek ay residente ng San Carlos City, Pangasinan.
Nasamsam mula sa kanila ang ilang booklet ng isang Gaming Corporation na may nakasulat na mga numero, mga bolpen, winning number chart, at perang pangtaya na umaabot sa ₱2,100.
Samantala, arestado ang isang 67 anyos na lalaki sa Bayambang, Pangasinan sa hiwalay na operasyon ng Bayambang MPS. Ayon sa ulat, nahuli ang suspek habang inaayos ang STL paraphernalia at tumatanggap ng pusta mula sa isang poseur bettor nang walang awtorisasyon mula sa isang Gaming Corporation.
Nakumpiska ang mga ebidensya at kabuuang ₱1,604 na perang pangtaya.
Ang lahat ng naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa kani-kanilang himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o ang batas laban sa ilegal na sugal. Patuloy naman ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na iwasan ang pakikilahok sa mga ilegal na aktibidad tulad ng “bookies.” | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










