
Naglabas ng paalala ang City Mobile Force Company ng Dagupan City Police Office kaugnay ng pag-iwas sa krimen, partikular ang pagnanakaw, bilang bahagi ng kanilang kampanya sa crime prevention.
Sa inilabas na impormasyon, hinikayat ang publiko na huwag basta magtiwala sa mga hindi kakilala upang maiwasan ang posibleng panlilinlang o pagnanakaw. Pinayuhan din ang mga mamamayan na manatiling alerto sa lahat ng pagkakataon, anuman ang sitwasyon, upang agad matukoy ang kahina-hinalang kilos sa kanilang paligid.
Binigyang-diin din ng pulisya na mahalagang huwag magbigay ng oportunidad sa mga kriminal. Ayon sa kanila, ang simpleng pag-iingat tulad ng pagbabantay sa personal na gamit at pagiging mapagmatyag ay malaking tulong upang makaiwas sa krimen.
Dagdag pa rito, pinayuhan ang sinumang mabiktima ng pagnanakaw na agad makipag-ugnayan sa mga awtoridad upang mapabilis ang aksyon at imbestigasyon sa insidente.
Isinusulong ng kampanya ang panawagang “Be informed, be prepared,” bilang paalala sa publiko na ang kaalaman at kahandaan ang pangunahing sandata laban sa krimen. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










