Apela ng co-accused ni CGMA sa PCSO plunder case, ibinasura ng Korte

Manila, Philippines – Ibinasura ng Sandiganbayan First Division ang mosyon ng kapwa akusado ni dating Pangulo at ngayon at Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na makapagpiyansa o sumailalim sa house arrest.
    
Sa pitong pahinang resolusyon, sinabi ng korte na wala itong nakitang merito upang pagbigyan ang kahilingan ni dating PCSO general manager Rosario Uriarte na nahaharap sa kasong plunder kaugnay ng maanomalya umanong paggamit ng P366 milyong intelligence and confidential fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office.
     
Hindi umano maitatanggi na flight risk si Uriarte matapos itong magtago ng apat na taon.
     
Sa kanyang mosyon, sinabi ni Uriarte na dapat ay payagan siyang magpiyansa dahil ang mga kaso ng kanyang mga kapwa akusado ay ibinasura na ng Korte Suprema.
     
Hiniling din ni Uriarte na isailalim siya sa house arrest dahil nanganganib ang kanyang kalusugan sa pananatili sa kulungan ng National Bureau of Investigation. 

Si Uriarte ay sumailalim sa chemotherapy at mayroon ding “breast malignancy and exillary lymph node metastases.”

Facebook Comments