*Cauayan City, Isabela- *Nakatakda na hanggang sa Dec. 15, 2018 na lamang ang pagtanggap ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region II sa mga aplikante para sa pagkuha ng Calamity Assistance na biktima ng bagyong Ompong.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Atty Judith Rowena Gamueda, Officer in Charge ng OWWA Region 2, tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pamimigay ng Calamity Assistance at pagtanggap sa mga aplikante para sa nasabing tulong.
Kaugnay nito ay nilinaw naman ni OWWA Regional Director Filipina Dino na mga OWWA members lamang ng unang distrito ng Isabela ang maaaring mag apply para sa Calamity Assistance dahil dito umano ang talagang tinamaan ng bagyong Ompong.
Nilinaw rin ni Atty. Gamueda na hindi lahat ng mga OFW sa abroad ay active member ng OWWA kung saan ay makakatanggap lamang ng 1,500 pesos ang mga inactive member habang 3,000 pesos naman sa mga active member.
Sa ngayon ay nakapagbigay na ang OWWA Region II sa mga claimants ng mahigit 34 million pesos mula noong December 6, 2018.
Paalala naman ni Atty. Gamueda sa mga qualified claimants na hintayin lamang ang kanilang text message kung maaari ng makuha ang Calamity Assistance sa mga PESO Officer ng lokalidad.
Tiniyak naman ni Gamueda na mas mapapabilis pa ang kanilang pagproseso at pamimigay ng tulong para matapos at maibigay na sa mga claimants ang kanilang OWWA Calamity Assistance.