Friday, August 28, 2026

App kontra illegal online gambling ilulunsad ng PAGCOR

Nakatakdang ilabas ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang app na tutulong sa mga online gaming player na makilala at gamitin lamang ang mga lisensyado at regulated na gaming platform.

Ito ang inihayag ng ahensya noong Lunes, Agosto 24, sa budget hearing ng House Committee on Appropriations.

Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco, ilulunsad bago matapos ang taon ang app na naglalayong palakasin ang proteksyon sa mga player sa gitna ng pagdami ng mga ilegal na online gaming platform.

Sa pamamagitan ng app, mas madaling matutukoy ng mga manlalaro ang mga authorized gaming site na sumusunod sa regulatory requirements at safeguards ng PAGCOR.

“The PAGCOR app has two main objectives: First, to curb illegal online gambling and second, to protect players by ensuring that they play only on platforms licensed and regulated by PAGCOR,” ani G. Tengco.

Idinagdag niya na may mekanismo rin sa app na maaaring gamitin ng mga player para magreklamo at humingi ng solusyon sakaling magkaroon ng problema sa isang licensed operator.

“Basta’t may lisensya ang pinaglalaruan ninyo, mayroong process of resolution kung magkakaproblema kayo,” ani G. Tengco.

Patuloy naman ang pakikipagtulungan ng PAGCOR sa iba pang ahensya ng gobyerno para sugpuin ang illegal online gaming at mahikayat ang mga manlalaro na gumamit ng regulated platforms.

Ayon kay G. Tengco, tinatayang kalahati ng mga online gaming site na ina-access sa Pilipinas ay ilegal.

“Around 50 percent of online gaming sites accessed in the Philippines are illegal, and keeping players within the regulated sector has been an ongoing challenge for PAGCOR and our law enforcement partners,” aniya.

Hinikayat niya ang mga tumatangkilik ng online gaming na gamitin ang PAGCOR app upang mas madaling matukoy kung aling mga platform ang legal at regulated.

“For those who patronize online gaming, we encourage them to use the PAGCOR App. The easier it is for them to identify where they can legally play, the better we can protect them from illegal operators and the risks that come with unregulated gaming,” aniya.

Ang bagong app ay bahagi ng mga hakbang ng PAGCOR upang matulungan ang publiko na matukoy ang mga authorized gaming platform.

Noong 2025, inilunsad ng ahensya ang PAGCOR Guarantee (https://www.pagcorguarantee.ph/), isang online verification facility kung saan maaaring tingnan kung lisensyado ang isang online gaming provider.

Nakikipag-ugnayan din ang PAGCOR sa Department of Information and Communications Technology, National Telecommunications Commission at Cybercrime Investigation and Coordination Center sa pagsasampa ng kaso laban sa illegal online gaming operators, kabilang ang mga payment channel na ginagamit ng mga ito.

Facebook Comments