Friday, August 28, 2026

Kawalan ng DepEd ng confidential funds, walang koneksyon sa mga insidente ng school shootings

Binigyang-diin ni House prosecution spokesperson Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na walang koneksyon sa kawalan ngayon ng Department of Education (DepEd) ng confidential funds ang mga shooting incidents sa mga paaralan sa Tacloban at Zamboanga.

Tugon ito ni Adiong sa sinabi ni Senator-Judge Robin Padilla na napigilan sana ang mga shooting incidents sa mga paaralan sa Tacloban at Zamboanga kung nanatiling may confidential funds ang DepEd.

Ayon kay Adiong, si Education Secretary Sonny Angara ang nakakaalam kung kailangan talaga ng DepEd ang confidential funds bukod sa wala ring direktang mandato ang departamento na gumawa ng mga aktibidad na kabilang sa mga trabaho ng mga security agency.

Ipinunto din ni Adiong, na sa panahon ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte sa DepEd ay hindi naman nasolusyonan ang mga problema sa sektor ng edukasyon sa kabila ng pagkakaroon nito ng confidential funds.

Katwiran ni Adiong, ito ay dahil pangunahing pinaggamitan ng confidential funds ang pagsasagawa ng surveillance at pagbibigay proteksyon kay VP Duterte tulad sa mga lakad at aktibidad na dinadaluhan nito kabilang ang tree planting at christmas party.

Nakakadismaya para kay Adiong na dito ginugol ang DepEd confidential funds kahit mayroon naman 400 security personnel si VP Sara.

Facebook Comments