
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Department of Foreign Affairs o DFA sa Philippine Embassy sa New Delhi at Philippine Consulate General sa Kathmandu kasunod ng napaulat na isang Pinoy ang nawawala matapos ang malawakang flash flood.
Batay sa ulat ng Nepal Tourism Board, isang Pilipino ang iniulat na nawawala matapos ang malawakang flash flood noong Agosto 26.
Sa pakikipag-ugnayan ng DZXL RMN Manila sa Department of Migrant Workers o DMW, inaalam na umano nila ang pagkakakilanlan ng naturang Pinoy at kung anong tulong ang maari nilang ipamahagi.
Nakikipag-ugnayan din ang DFA sa mga awtoridad sa Nepal para alamin kung may mga Pilipinong naapektuhan at magbigay ng kinakailangang tulong o rescue assistance.
Ayon sa Philippine Consulate, agad nang nakipag-ugnayan ang mga opisyal sa Nepali authorities para makumpirma ang pagkakakilanlan at kalagayan ng nawawalang Pinoy.
Karamihan sa mga Pilipino sa Nepal ay ligtas, habang patuloy namang nagsasagawa ng rescue at verification operations ang mga otoridad.
Batay sa datos ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA), mayroong 18 overseas Filipino workers (OFWs) sa Nepal.
Pero ayon sa DFA, may naitala silang 128 Pinoy sa naturang bansa at ang ilan sa mga ito ay nakapag-asawa ng Nepalese.










