Lusot na sa House Committee on Appropriations ang panukalang Bayanihan 3 Bill.
Dito ay napagkasunduan ang mga posibleng paghugutan ng pondo sa Bayanihan 3 kung saan isa rito ay ang pagbibigay ng sertipikasyon ng Bureau of Treasury para matiyak ang paghuhugutang alokasyon sa ipinasang panukala.
Si House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda ang nagmosyon, at “unanimous” ang mga miyembro ng komite na aprubahan ang panukala.
Ang Bayanihan 3 Bill sa Kamara ay nangangailangan ng P405.6 billion, bilang dagdag-ayuda sa mga Pilipino at mga sektor na nasapol ng COVID-19 pandemic.
Kasama rito ang “Ayuda to all Filipinos” o ang P1,000 na pinansyal na ayuda na ipagkakaloob sa lahat ng mga Pilipino, anuman ang estado sa buhay at ibibigay ng dalawang “phase” o beses.
Dahil pasado na ito sa committee level, inaasahang iaakyat na ito sa plenaryo para tuluyang mapagtibay bago ang sine die adjournment ng Kongreso.