Manila, Philippines – Aprubado na sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang panukala na nagtataas sa ranggo at salary grade ng mga kawani ng Commission on Elections.
Bumuo na dito ng iisang bersyon para sa magkakaparehong panukala na inihain nila dating Speaker Feliciano Belmonte Jr., Senior Citizens Partylist Rep. Francisco Datol at Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Ayon kay Suffrage and Electoral Reforms Chairman Sherwin Tugna, isinusulong ang taas ranggo at sweldo para sa kawani ng COMELEC bilang tugon sa panawagan ng mga ito sa umento sa sahod at para maiiwas ang mga ito sa tukso ng katiwalian.
Base dito, ang may ranggong Election Officer 1 ang may pinakamalaking itataas na sahod at ranggo.
Mula sa Salary Grade 12 ng mga ito na may katumbas na sweldong mahigit P22,000 ay itataas sa Salary Grade 24 o katumbas ng P73,000 kada buwan.
Ang Assistant Election Specialist naman ay aangat sa Salary Grade 21.
Ang Provincial Election Supervisor na nasa Salary Grade 23 ngayon ay aakyat sa posisyong Director 2.
Para naman sa ibang posisyon sa Comelec, binibigyan ng otorisasyon ang Comelec En Banc na i-reclassify at i-upgrade ang mga ito.