*Gamu, Isabela- *Arestado ng mga otoridad ang isang Army Captain na wanted sa batas matapos isilbi ang Warrant of Arrest nito sa 5ID Camp Melchor F Dela Cruz Upi, Gamu, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 RMN Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), kinilala ang akusado na si Captain Yashica Tagolgol Calunsag, 42 anyos, aktibong miyembro ng 5th Infantry Division, may asawa at residente ng Brgy Upi, Gamu, Isabela.
Bandang 1:30 ng hapon noong Marso 18, 2019 nang arestuhin si Captain Calunsag sa bisa ng mandamiento de aresto na ipinalabas ni hukom Isaac De Alban ng Branch 16, Ilagan City, Isabela dahil sa kasong Large Scale Estafa na sinundan pa ng dalawang warrant of arrest na ipinalabas ni hukom Andrew Barcena ng RTC Br 17 2nd Judicial Region sa kaso rin na Estafa.
Dinala sa Gamu Police Station ang akusado para sa karagdagang dokumentasyon bago dinala sa court of origin nito.
May inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamatalang kalayaan ni Calunsag na tig-isang daan at dalawampung libong piso (P120,000.00) sa bawat kaso nito.
Kaugnay nito, nakalaya rin kahapon si Army Captain Calunsag matapos makapaglagak ng kanyang piyansa.
Ang pag-aresto kay Army Captain Yashica Calunsag ay sa pangunguna ni PSI Rey Lopez, ACOP ng PNP Gamu, Isabela sa tulong na rin ni LTC Edmundo Tubiera, Commanding Officer ng Headquarters Service Battalion, 5th ID, Camp Melchor F Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela.