Inaalis na ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang posibilidad na “arson” ang sanhi ng sunog sa power rectifier sa LRT2.
Ito ang inihayag ng LRTA sa Kamara kasunod ng ipinatawag na emergency hearing ng House Committee on Transportation sa pangunguna ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento.
Ayon kay LRTA Spokesperson Hernando Cabrera, nililimita na lamang nila sa pagpalya ng equipment at kidlat ang sanhi ng sunog sa LRT2.
Pero, nakwestyon naman ito ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon dahil hindi naman umuulan ng mangyari ang pagsabog sa transformer ng LRT2.
Inamin din ni Cabrera na ito ang pinakamalaking insidente sa LRT2 mula 1984.
Hindi rin umano sila basta makapasok sa pinangyarihan ng sakuna dahil ang Bureau of Fire Protection (BFP) ang may hurisdiksyon ditto.
Pinamamadali naman ni Cavite Rep. Jesus Crispin Remulla ang BFP na bilisan din ang imbestigasyon sa sunog sa LRT.
Hanggat hindi nalalaman ng LRTA ang kabuuang pinsala sa mga pyesa sa power rectifier ay hindi pa makaka-order ng mga bagong equipment para maging full operational na ang tren.
Samantala, humingi naman ng paumanhin si Sarmiento sa mga commuters na nahihirapan sa araw-araw na byahe matapos ang traffic crisis na dulot ng sunog.