ASEAN Lane | Beauty queen na si Isabel Lopez, may 3 araw para sagutin ang reklamo ng MMDA

Manila, Philippines – Binigyan ng tatlong araw ang beauty queen na si Maria Isabel Lopez para humarap sa Land Transportation Office (LTO) at sagutin ang kanyang ginawang paglabag nitong nakalipas na sabado ng gabi.

Matatandaang dumaan ito sa kahabaan ng EDSA partikular sa may bahagi ng Shaw boulevard patungo Ortigas na isinara at ginawang ASEAN lane nang walang car pass.

Kinuhanan pa niya mismo ng video ang kanyang pagmamaneho at ipinost sa kanyang facebook account.


Sa panayam kay MMDA Spokesperson Celine Pialogo sa Multi Agency Coordinating Center sinabi nitong ang pagpapa-report kay Lopez ay napagkasuduan kahapon ng MMDA at LTO matapos pormal na ma-isumite ng MMDA ang kanilang rekomendasyon sa LTO na kanselahin o suspendihin ang driver’s license ni Lopez.

Sinabi pa ni Pialogo na kasama ng kanilang rekomendasyong kanselasyon at suspensyon ng driver’s license ni Lopez ay ang statement mula sa DILG at DOTr na sumusuporta sa kanilang hakbang laban kay Lopez.

Ibinigay din aniya nila ang kopya ng CCTV kung saan kuha ang ginawang paglabag ni Lopez sa LTO upang mas magkaroon ng matibay na ebidensya.

Sa huli ipapaubaya na raw nila sa LTO ang pagdedesisyon sa kaso ni Isabel Lopez.

Natanggap na rin daw ng MMDA ang paumahin na ginawa ni Lopez dahil sa kanyang maling ginawa

Pero ayon kay Pialogo ang paghingi niya ng apology ay hindi rason para hindi nila ituloy ang kanilang rekomendasyon sa LTO.

Naniniwala si Pialogo na dapat na mapanagot si Lopez sa kanyang ginawang paglabag sa security protocol lalot isinapubliko pa niya ang kanyang ginawang mali sa pamamagitan ng social media kahit pa isinasagawa ang mahalaga at pandaigdigan aktibidad sa bansa.

Facebook Comments