Pinasinungalingan ni Deputy Speaker Mujiv Hataman ang akusasyon na delikado ang balak ni incoming Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco na buksan ang turismo ng Mindanao.
Matatandaang sa social media post ng batikang mamamahayag na si Raissa Robles ay inihayag nitong tataas ang potensyal ng pagdami ng inisdente ng pangingidnap dahil sa mga extremist group tulad ng Abu Sayyaf Group (ASG) at iba pang bandidong grupo.
Giit ni Hataman, hindi tulad noon ay wala nang pangil ang ASG sa Basilan.
Bunga aniya ito ng maraming taon na na pakikipagtulungan ng security forces, lokal na pamahalaan, komunidad at mga imam sa ilalim ng Program Against Violent Extremism.
Katunayan aniya, malayang nakagagalaw at wala na ang takot ng mga mamamayang nakatira sa mga lalawigan ng Mindanao partikular sa kanilang probinsya sa Basilan.
Ilang beses na rin aniyang nagpabalik-balik ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan sa kanilang lalawigan at ilang beses na ring nagdaos ng laro ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa rehiyon.
Ipinagmalaki pa ng kongresista na mula 2016 ay wala nang naitatalang kaso ng kidnapping sa Basilan at kamakailan ay naglabas ng pahayag ang hukbong sandatahan ng bansa na wala na ngang impluwensya ang ASG sa mga komunidad.